PRESIDENT OF THE PHILIPPINES AT PALARONG PAMBANSA 2012 OPENING PROGRAM - Ning4u: Anything And Everything's Free
Headlines News :
Home » » PRESIDENT OF THE PHILIPPINES AT PALARONG PAMBANSA 2012 OPENING PROGRAM

PRESIDENT OF THE PHILIPPINES AT PALARONG PAMBANSA 2012 OPENING PROGRAM

Written By Ning Buning on Sunday, May 06, 2012 | Sunday, May 06, 2012

All are headed at Narciso Ramos Sports and Civic Center, Lingayen Pangasinan for the opening ceremonies of Palarong Pambansa 2012. President Benigno S. Aquino III is the guest of honor and speaker of the said annual event.  Here's transcript of President Aquino's speech.

"Nagagalak po akong maparito sa Lingayen, Pangasinan, upang pasimulan ang pinakamalaking sports event sa Pilipinas ngayong taon: ang Palarong Pambansa 2012. Unang-una po, congratulations sa lahat ng nandito ngayon—mula sa mga kabataang atleta, hanggang sa inyong mga mentor at coach, sa ating sports officials, at sa bawat indibidwal at organisasyong nagsumikap upang matagumpay nating mailunsad ang pagtitipon at paligsahang ito. Ito pong Palarong Pambansa ang nagsisilbing pinakamalaking entablado upang maipamalas ng lahing Pinoy ang kanyang angking-kagalingan sa larangan ng palakasan. Sa mga susunod na araw po, masasaksihan ng sambayanan ang pagtatagisan ng galing, ang mga patalasan ng dunong, ang pagpapamalas ng husay ng mga atletang Pinoy mula sa iba’t ibang larangan, mula sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas.Mahigit anim na dekada na nga pong nagbibigay-daan ang Palarong Pambansa para malinang ang kakayahan ng ating mga atleta para sa mga lokal na kompetisyon. Ito rin ang nagsisilbing lunsaran ng ating pagtuklas sa mga kabataang Pilipinong magdadala ng karangalan sa bansa sa mga pandaigdigang entablado. Dito nga po sa Palarong Pambansa unang ipinunla ang mga alamat nina Lydia de Vega at Elma Muros para sa Athletics, Danny Ildefonso at Marlou Aquino para sa basketball; Susan Papa at Eric Buhain sa swimming; at Chiefy Caligdong at Kristopher Camcam ng Azkals para naman sa football. Mulat po tayong lahat:tulad nila, hindi lamang kayo bumangon isang umaga, at natuklasang kayo na ang pinakamahuhusay sa larangan na inyong kinabibilangan. Namuhunan kayo ng pawis at panahon; nagsakripisyo kayo para marating ang puntong ito. Alam kong hindi biro ang pagbabalanse sa paglalaro, at sa pagbabasa ng libro sa ekswela. Mulat akong may mga oras na kinakailangan ninyong isakripisyo ang panahon sa pamilya at mga kaibigan, para lang makatutok sa inyong kasanayan. Pero tulad nga po ng kasabihan ng mga matatanda: “Kung may tiyaga, may nilaga.” Tagumpay ang bunga ng pagtatambal ng talento at pagsisikap. Kayo ang nagpapatotoo: walang pinanganak na kampeon—ang mga tropeo’t medalya ay nakakamit mula sa disiplina at puspusang dedikasyon. 
Sa inyong lahat na nandito ngayon: saludo ako sa inyo. Nawa’y maging mabuting halimbawa kayo sa mga kapwa ninyo kabataan. Nawa’y maging bukal kayo ng inspirasyon sa iba pa ninyong mga kababayan.
Asahan naman ninyo, patuloy ang suporta nginyong pamahalaan sa pagpapabuti at pagpapaigting sa larangan ng sports sa bansa. Paranga po sa Palarong Pambansa 2012, naglaan ang Department of Education ng mahigit dalawandaang milyong piso. Ito po ay upang matiyak na sapat ang mga kagamitan ng ating mga atleta, at masigurong tatakbo nang maayos ang paligsahan. Bukod naman sa pakikituwang sa DepEd sa pangangasiwa sa mga kompetisyon, nakalatag na rin po ang 2011-2016 Philippine Sports Roadmap ng Philippine Sports Commission. Kabilang dito ang tinatawag nating “focus sports policy,” kung saan tututukan ang pagpapaunlad sa ilang mga napiling larangan, kabilang na ang boxing, taekwondo, athletics, swimming, wushu, archery, wrestling, bowling, weightlifting, at billiards. Halos dalawandaang milyon po, o 33% ng tinataya nating annual remittance sa ilalim ng National Sports Development Fund angilalaan para sa pagpapaunlad ng mga sports na ito. Pagdating po sa larangan ng palakasan at kalusugan, hindi rin po natin kinakalimutan ang mga kababayan nating higit na nangangailangan—kasama na ang mga inmates, Persons with Disabilities, at mga kabataan. Nitong taong 2011, muli na po nating nailunsad ang Batang Pinoy, isang programang naka-sentro sa paghuhubog sa kaugalian ng mga kabataan sa pamamagitan ng sports at iba pang mga laro.  Ibabalik din po natin ang Philippine National Games bilang national try-out para sa mga atleta natin mula sa grassroots level—upang mabigyan sila ng pagkakataong makalaro sa Philippine team. Gaganapin po ang susunod na paligsahan sa Dumaguete City sa buwan ding ito. Aabot naman po ng limang milyong piso ang inilaan nating pondo para sa mga Persons with Disabilites, upang maipagpatuloy ang kanilang pakikilahok sa iba’t ibang sports events. Gayundin, halos walong libong inmates mula sa iba’t ibang piitan sa bansa ang regular nating binibigyan ng fitness regimen upang mapangalagaan ang kanilang pangagatawan at kalusugan. Nais ko naman pong magpasalamatsa probinsya ng Pangasinan—sa inyong pagsusumikap sa pagiging host ng Palarong Pambansa sa taong ito, at sa mainit ninyong pagtanggap sa bawat isa sa atin ngayon dito. Sa atin namang mga atleta ngayon: pagkatapos ng kompetisyon, ito sana ang maging bitbit ninyong pabaon—hindi natatapos ang laban sa tunog ng pito, sa hudyat ng batingaw, o pagtapak sa Finish Line. Paglabas ninyo sa basketball court, sa swimming pool, o sa boxing ring, marami pang pagsubok sa tunay na buhay at kalakhang lipunan ang darating. Nawa’y gamitin ninyo ang lahat ng inyong natutuhan dito sa pagdaig sa mga hamong humaharap sa ating bayan. Patuloy sana kayong mangarap. Patuloy kayong mangahas sa pag-abot sa kung anumang minimithi ninyo sa buhay. Tuloy lang ang pagsisikap, tuloy lang ang disiplina, tuloy lang ang sakripisyo, at tiyak na sa mas malaking entablado na kayo paparangalan at hahakot ng mga tropeo’t medalya. Sa inyong lahat: good luck sa inyong mga laban. Mabuhay po ang kabataang Pilipino; mabuhay ang atletang Pinoy. Maraming salamat po."

Watch out for more of Palarong Pambansa 2012 at pangasinan.gov.ph, pangasinantourism.com and rappler.com.
Share this article :

You Tube

Facebook Page

Tiktok

 
Support : Creating Website | Johny Template | Mas Template
Proudly powered by Blogger
Copyright © 2011. Ning4u: Anything And Everything's Free - All Rights Reserved
Template Design by Creating Website Published by Mas Template